Pinoy Komiks Communique

Pinoy Komiks Communique
Sinulat ni
Fermin Salvador

Marami sa mga Pinoy na matagal nang nasa ibang bayan, gaya ng US, ang marahil ay pamilyar sa kultura ng pagbabasa ng komiks sa pinanggalingang bayang Pilipinas.

World class ang kakayahan ng mga Filipino sa paglikha ng komiks. Ang ganda, lalim, at kasiningan ng mga kuwento at dibuhong natunghayan sa mga pahina ng magasing komiks sa mahabang panahon ay maipapantay sa pinakamahuhusay na nagawa ng ibang bansa kabilang na ang US, Hapon, at iba pa. Katunayan, maraming dibuhistang Pinoy ang nirekrut ng mga kumpanya ng komiks dito sa US at sa kasalukuyan ay naninirahan sa California, Nevada, at iba pang mga estado.

Marami ang bansag sa komiks. Hari ng bangketa. Pambansang aklat ng mga Filipino. Kung anu-ano pa na iisa lamang ang ipinahihiwatig kundi tahasang idinedeklara: na ito ang pinakapopular sa lahat ng mga produktong iniimprenta sa sariling wika.

Industriya ng Komiks
Pamilyar ang komiks bilang displey na paninda sa mga bangketa sa mga Pinoy na sa kasalukuyan ay may edad na magmula sa dalawampung taon hanggang sa lampas na sa mga tinatawag na baby boomer. Sa paglalakad ay nadaraanan noon ang mga magasing komiks na kaygaganda ng dibuho sa pabalat. Libu-libo ang lingguhang sirkulasyon ng bawat komiks noong araw.

May sampung taon ang nakararaan ay tumigil sa paggawa ng komiks ang conglomerate ng Atlas Publishing na pag-aari ng angkang Roces na kumokontrol sa halos 90 porsiyento ng mga komiks sa buong bansa. Naglaho ang mga komiks sa bangketa. Ngunit hindi sumuko ang mga manlilikha ng komiks. Nagpatuloy ang paglikha ng mga komiks ng iba’t ibang independiyenteng pabliser. Karamihan ng mga komiks na ito ay matatagpuan sa mga bukstor. Sumulpot ang mga blog na paksa ay komiks. Nagkaroon na rin ng mga coffee table books tungkol sa komiks at mga aklat-pagsusuri sa impact ng komiks sa pambansang kamalayan at kasaysayan.

Napakahaba ang naging pag-iral ng komiks sa pambansang landskeyp ng Pilipinas. Pag-iral na napakalayo pang magwakas. Pinatutunayan ito ng pagpapatuloy ng iba’t ibang aktibidades at pagtitipon na may kaugnayan sa komiks bilang sining, libangan, at industriya.

Komikon 2009
Idinaos ang taunang Komikon noong Oktubre 18, 2009, 10 umaga – 9 gabi, sa Megatrade Hall I ng SM Megamall. Ang Komikon ay nagbibigay ng pagkakataon na makapagtanghal ng mga bagong produktong komiks, lokal man o imported, na ipinadron sa sikat na Comics Convention sa US. Matatagpuan sa Komikon ang iba’t ibang hapag ng mga ibinebentang komiks, libro, magasin, at iba pang babasahing kaugnay ng komiks. May nakadispley na mga drowing. May mga programa rin katulad ng paggagawad ng taunang “Komikon awards”. Nagsagawa rin ng “auction for a cause” upang matulungan ang mga nasalanta ng mga bagong Ondoy at Pepeng laluna ang mga kabilang sa sektor ng mga tagakomiks.

Isa sa mga regular na dumadalo sa Komikon sa Pilipinas ang pamosong iskolar sa kulturang popular na si Dr. John A. Lent. Si Dr. Lent ay may Master of Science in Journalism (1960) mula sa Ohio University at PhD. in Mass Communication (1972) sa University of Iowa. Siya ay awtor ng maraming librong tumatalakay sa iba’t ibang sangay at aspeto ng mga sining at kulturang popular na kinabibilangan ng komiks.

Bago ang ebentong ito ay idinaos ang unang Philippine International Cartoon, Comic, and Animation Festival o PICCA Fest noong Oktubre 15 – 18 na inorganisa ng Samahang Kartunista ng Pilipinas Inc (SKPI).

Francisco V. Coching
Sa New York ay may “Francisco V. Coching Exhibit in New York, Oct. 26 – Nov. 26, 2009″ sa Philippine Center na nasa 556 5th Avenue, New York, NY (212) 764-1330. Itatanghal ang mga obra ni Francisco V. Coching na isang dakilang manlilikha ng lokal na komiks.

Si Francisco V. Coching ay isa sa mga haligi ng sining ng komiks sa Pilipinas. Siya ay tanyag na personalidad sa komiks at pangkalahatang sirkulo ng mga alagad ng sining sa mga panahong 1930 – 1970 bilang matinik na manunulat at dibuhista.

Karamihan sa mga naging nobela ni Coching sa komiks ay naisapelikula. Kabilang sa mga popular na katha niya ang Hagibis, Barbaro, El Indio, Satur, Pedro Penduko, Talipandas, Maldita, Bertong Balutan, Haring Ulupong, Palasig, Gat Sibasib, Bella Bandida, El Vibora, Pagano, at Don Cobarde.

Si Coching ay mistulang one-man army sa komiks. Siya na ang kuwentista ay siya rin ang nag-iiskets ng larawan sa lapis, nagsasatinta nito, at naglalagay ng mga teksto. Bilang artista sa sining-biswal, kakontemporaryo niya ang mga pintor na sina Carlos “Botong” Francisco at Vicente Manansala. Gaya ng dalawa ay marami ring tinanggap na pagkilala si Coching sa kanyang galing.

Iginawad kay Coching ang “Makasining na Komiks Award” mula sa Manila Commission of Arts and Culture, Presidential Merit Award, at Gawad CCP Para sa Sining.

Maraming naimpluwensiyahan ang istilo ni Coching sa hanay ng mga alagad ng sining ng komiks sa Pilipinas at ibang bansa. Ang kanyang mga likha, na nasa pormang komiks, ay kumakatawan sa pinakamataas na uri ng galing at talino ng isang indibidwal na nakapag-ambag sa yaman ng sining at kultura ng sangkatauhan.

Nagretiro siya noong 1973 sa edad na 54 taon matapos makalikha ng mahigit sa 50 nobelang komiks.

Maipagmamalaki ng bawat Filipino at sinumang may dugong Filipino saanman ang katulad ni Coching na pang-internasyunal ang kalibre bilang alagad ng sining. Sa mga may pagkakataon, huwag palampasin ang pagtatanghal na ito upang masaksihan ang mga natatanging obra ni Coching.

(Hango sa pitak na “Estado” ng may-akda sa pahayagang Filam MegaScene sa Chicago, USA.)

If you enjoyed this post, please consider leaving a comment and sharing this with your friends.

Comments

  1. Romy Cayabyab says

    Bagama’t ang nasabing exhibit ay lampas na sa pagka-post dito sa ating websayt, ganoon pa man bilang Pinoy na mahilig sa komiks, natutunan din namin ang mga ilang impormasyon ukol sa kasaysayan ng komiks sa Pilipinas.

    If any one is interested in staging a similar exhibit as that one held in NY, contact us and we would be happy to help stage an event here in Australia.

    Maraming salamat.

  2. Linda says

    Nakapagtatakang nawala na ang mga komiks sa Pilipinas. Isa ito sa mga aliwan ng mga tao, at nancito na rin ang kultura natin. Dapat ilagay ang mga komiks lalo na ang mga komiks noong 1950 o 1960 sa ebook. Nakakapagsaya na, kikita pa rin ang mga maghahango ng mga ito sa ebooks.

  3. says

    pwede po ba ako mag request ng mga komiks noon? ipublish ko po sa website ko. mga nobela po na comedy, horror, seksi at kung anu anu pa. para po mabasa ng mga mahilig sa komiks online. matagal na po ako naghahanap ng mga mabbiling komiks pero wala ako mahanap.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *